Loading...

Breaking News

Original sidekick na si Bentong, muling tinanggap ni Willie Revillame.

Isang nakaaantig na reunion ang nasaksihan noong (April 4) sa episode ng Wowowin. Ang dati kasing sidekick ni Willie Revillame na si Bentong na nakasama niya mula pa sa kabilang istasyon ay muling nagbabalik at kanya namang buong loob na tinanggap.

“Magmula ngayon bodyguard ko na ‘to,” pagpapakilala ni Willie kay Bentong sa kanyang programa. 

“Syempre ‘yung mga taong 'yan ang gusto kong bigyan ng tulong at bigyan ng pag-asa sa buhay. Ayaw ko naman habang buhay, taga-timpla na lang siya ng kape ‘di ba? May mga anak siya, at saka si Bentong po may sakit,” sambit din ng Wowowin host.

Naging emosyonal naman ang dating komedyante na nagsimula bilang utility man bago ma-discover ni Willie. 


Pahayag niya, “Kuya Wil, I love you talaga. Alam mo Kuya Wil, sinundan talaga kita. Iba talaga ang puso mo, lumipat na sa puso ko kaya Kapuso na [ako].”

“Napakabait mo talagang tao, Kuya. Parang gusto ko nang umiyak pero 'di ko gagawin, kailangan tayo magsaya,” patuloy ni Bentong.

Bida ni Willie, nakatanggap siya ng tawag mula kay Direk Bobot Mortiz. Dito niya nalaman na ang kanyang dating sidekick ay may malubhang karamdaman at nangangailangan ng tulong. Walang pag-aatubili namang inanyayahan ni Willie si Bentong na mag-guest sa kanyang programa. 

“Sa bahay lang ako, nakatingala, nag-iisip, nakatingin sa malayo. Hindi ko malaman ang gagawin ko,” pag-alala ni Bentong sa kanyang sinapit bago matanggap ang imbitasyon.

Kwento rin niya, “May sakit po ako pero kinakaya ko sarili ko para mapatapos ko lang ‘yung apat ko na anak. Totoo po ‘yun, ako nagsusumikap para mapatapos ko ‘yung mga anak ko, makatapos ng college. Kahit man kunin na ako ni Lord, mapatapos ko lang [sila], masaya na ako.”

Dahil sa bagong oportunidad na ibinigay sa kanya, puno ng pasasalamat si Bentong.


“Mister M, maraming maraming salamat sa mga tulong niyo sa akin. Kung wala po kayo baka namatay na po ‘yung anak ko. Dahil sa inyong tulong, maraming maraming salamat po. Direk Bobot, ‘yung mga tulong niyo sa akin, maraming maraming salamat. Kayo po ang pangalawa kong tatay, kayong dalawa [ni Mister M],” aniya.

“At pangatlo, si Kuya Wil. Maraming maraming salamat po kay Kuya Wil. Kung wala ka Kuya Wil ngayon, ewan ko, 'di ko na alam gagawin ko. Baka nasa probinsya ako nagtatanim ng palay. Totoo ‘yun Kuya. Gagawin ko ang lahat,” dagdag nito. 

Dahil din sa pangyayaring ito, may mga paalala na binitiwan si Willie.

Wika niya, “Mahal ko ‘tong taong ‘to. ‘Yang minamahal ko ‘yung maliliit. ‘Yung mga taong 'di pinapansin ‘yun ang pinanpansin ko.”

Mensahe rin niya sa kanyang nagbabalik na sidekick, “Basta ako Bentong, eto lang, simple lang. Mahalin mo ‘yung trabaho mo para mabigyan mo ng magandang kinabukasan ang pamilya mo. Simple lang ‘yan.”



Courtesy: GMA Network

For more Kakulay Updates FOLLOW or LIKE  Kakulay Entertainment Blog  on  Facebook  and  Twitter and ADVERTISE with us email at ilovekakulay@gmail.com

No comments