Loading...

Breaking News

Yen Santos pinagmumura at sinigawan ng direktor.

INAMIN ni Yen Santos na bago niya natutunang umiyak ay nakatikim muna siya ng mura at paninigaw mula sa direktor ng una niyang programa, bukod pa diyan ang paninigaw sa kanya ng katotong Ogie Diaz.

Kaya sa tuwing naaalala niya raw ang mga eksenang ‘yun ay talagang naiiyak siya. Pinuri kasi si Yen sa finale presscon ng Pure Love noong Martes ng gabi dahil ang galing daw niyang mag-emote, effortless daw ang pag-iyak niya.

Naging interesado tuloy ang entertainment press kung bakit siya namura ng direktor at nasigawan ng katotong Ogie, “Minumura po ako kasi nga po hirap akong umarte at umiyak, so alam ko motivation iyon at hindi naman iyon personal, pero bad words pa rin po ‘yun.”
Ang launching serye ni Mutya Orquia na may titulong Mutya (Enero, 2011) ang hinding-hindi makakalimutan ni Yen sa pagsisimula niya sa showbiz.


“Actually, si mama Ogie po ang unang nakapagpaiyak sa akin sa showbiz, tandang-tanda ko ‘yun. Pero usapan daw nila iyon ni direk (Erik Salud) na sabi niya, ‘direk, gusto mo ako na?’ Kasi dalawang oras na po, hindi talaga ako maiyak, parang sabi nga ni direk Erik, ‘sige ikaw (Ogie) na.’

“Tapos sabi nga po ni mama Ogie, ‘ano ba naman ‘yan, may scoring pa po ng (show), ‘yung bata sa radyo, pagod na pagod ng kumanta hindi ka pa rin naiiyak, bakit ka pa nag-artista?’
May mga ganu’n po. So, ‘yun, nahiya na ako sa sarili ko na lahat sila naghihintay din kasi hindi nga ako makaiyak.

“Hanggang sa nakaiyak na rin po, pero after no’n, ang dami ko pang eksenang pag mga iyakan na ganyan, hindi talaga ako makaiyak, sobrang pinapagalitan ako, naranasan ko talagang murahin ako  ng ilang beses.

“Siyempre masakit po ‘yun sa akin, iniisip ko na lang na motivation na rin nila ‘yun. Ewan ko ba, kasali na ba ‘yun (pagmumura) ngayon para i-motivate ka,” kuwento ng aktres.

Kamuntikan na nga raw niyang iwan ang showbiz, “Naisip ko po na baka hindi para sa akin ang showbiz kasi pag-iyak lang hindi ko magawa.

Nu’ng gusto ko nang gumib-ap, naisip ko ituloy na lang kasi naging challenge sa akin na galingan at aralin ang bawa’t karakter at hindi ko na magiging problema ang pag-iyak na ‘yan dahil mayroon na akong paghuhugutan,” sabi pa ni Yen.

Isa pang malaking tulong kay Yen ay ang workshop, “Marami po, kasi tinuruan kami paano mag-relax, kasi noong first taping ko, ang tagal kong walang trabaho bago dumating itong Pure Love na actually, give-up na ulit ako kasi wala akong work, nag-aaway na kami ng mom ko at sabi nga niya, ‘ano kaba umuwi ka na lang ng Nueva Ecija, wala ka namang ginagawa diyan,’ tapos dumating na po itong offer ng Pure Love.

“May nag-text po na may audition daw for Pure Love, pinag-isipan ko pa talaga kung pupunta ako at ng mapag-isipan ko na go, wala naman mawawala kung ita-try ko,” kuwento pa ng dalaga.

Bongga si Yen dahil pagkatapos ng Pure Love ay may kasunod na programa agad siya, ang Dream Dad ni Zanjoe Marudo.

Anyway, sa pagpapatuloy ng Pure Love, ngayong araw na magigising si Diane (Alex) mula sa pagkaka-comatose dahil kumpleto na ang tatlong pure love tears.

Base sa kuwento ng writer ng serye ay susundin daw nila ang pagtatapos ng original story ng Koreanovelang 49 Days, pero dahil Pinoy audience tayo ay may konting twist at iyon daw ang aabangan sa nalalapit na pagtatapos ng serye nina Yen, Alex, Joseph Marco, Yam Concepcion, Aahron Villaflor, Anna Luna at Arjo Atayde mula sa Star TV.


Written by: Reggee Bonoan 

No comments