Loading...

Breaking News

Love stories ng siyam na magkasintahan, ilalantad na sa “I DO” ngayong AGOSTO 30

Magbubukas na ang bagong kabanata sa love story ng siyam na couples sa kanilang pagharap at paghahanda para sa buhay mag-asawa sa pagsisimula ng Kapamilya realiseryeng “I Do” ngayong Agosto 30 (Sabado).

Sa programang puno ng kilig, drama, at tensyon, susuong ang couples sa mga hamong susubok sa kanilang pagsasama at pagmamahalan. Gagabayan sila ng host na si Judy Ann Santos-Agoncillo, kasama ang ibang miyembro ng council, ang life coach na si Pia Acevedo at ang psychologist at marriage counselor na si Dr. Julian Montano. Katambal naman ni Juday sa pagbibigay ng challenges si Jason Gainza.

Ayon kay Juday, aasahan ng mga manonood na magbibigay siya ng mga payo sa couples na base sa kanyang personal na karanasan bilang isang asawa at ina. Limang taon nang kasal si Juday at may dalawa nang anak.
“Ang pinaka-challenge sa akin dito ay ang bigyan ng advice ang couples na pwede nilang isabuhay. Noong tinanggap ko itong show, hindi ko talaga alam anong pinasok ko, na-excite lang ako na original concept siya. Hindi ko alam na sa proseso parang magiging life coach pala ako. Ang sarap maging part sa journey ng isang couple na magpapakasal,” ani Juday.

Titira ang couples sa tatlong bahay sa loob ng “I Do” village, ngunit magkahiwalay na matutulog ang mga babae sa mga lalaki. Ayon kay Juday, natutunan niya sa show na wala sa tagal ng pagsasama ang tibay ng isang relasyon.

“Ang sa akin, sana makakuha ng inspiration ang mga taong makakapanood ng show. Ginawa namin ito para makapag-inspire ng mga tao na ‘wag basta-bastang sumabak sa kung anu-anong sitwasyon. Lahat ng bagay ngayon dapat pinag-iisipan,” sabi ni Juday.


Sa programa, linggo-linggong haharap ang couples sa mga hamon at sessions na hango sa mga totoong sitwasyon sa buhay mag-asawa at pamilya. Bawat linggo, magdedesisyon din ang council kung aling couple ang magpapaalam sa village base sa kanilang kahandaang magpakasal.

Ani coach Pia, “Ang paboritong part ko sa pagiging bahaging council ay ‘yung kapag humihingi ng tulong ang contestants. Sila talaga ‘yun, wala na sa show, inaamin nila na hirap sila. Hinahangaan ko ‘yun kasi napapakita nila.   Sana may matutunan ang mga manonood at mamulat sila sa sarili nilang mga hadlang sa buhay pag-ibig.”

Ibinahagi naman ni Dr. Julian na bilib siya sa production staff ng programa, dahil ang ilang kakaibang activities na naisagawa sa programa ay ginagamit na rin niya sa kanyang professional counseling.

“Marami akong natutunan hindi lang sa pagbato ng mga linya pero sa kung paano ko tingnan ang couples. Ang isang malaking learning ko ay pag-focus sa ethical responsibilities ko. Balance palagi. Kasi binubuksan namin ang mga emosyon nila at pinapa-realize sa kanila ang mga bagay na hindi nila nakikita. Ang responsibilidad ko, siguraduhing bigyan namin sila ng closure,” saad ni Dr. Julian.

Sa pagsisimula ng “I Do,” makikilala ang couples at ang sari-sari nilang kwento, kabilang na ang magkasosyo sa negosyo, ang Koreano at Pinay, ang engaged na magkasintahan, ang high school sweethearts, ang isang couple na may matinding pinagdaanan ang nakaraan, ang tatlong buwan pa lang na nagsasama, ang dating magkapitbahay, ang couple na 19 taon ang agwat sa edad, at isang batang couple na may anak na.

Sa huli, ang taongbayan ang mamimili ng winning couple na siyang magwawagi ng P1 milyon, house and lot, at ang kanilang inaasam na grand wedding.
Kaninong love story ang mauuwi sa kasalan?

Abangan ang pagsisimula ng ‘journey to happy ever after’ kasama sina Juday, Jason, coach Pia, at Dr. Julian sa “I Do,” ngayong Agosto 30 na sa ABS-CBN.

Para sa updates, bisitahin ang www.ido.abs-cbn.com, i-like ang www.facebook.com/ido.ph o sundan ang @IDo_ph sa Twitter.

No comments