ABS-CBN, PINAKAMATATAG PA RIN SA TV RATINGS NOONG NOBYEMBRE
Mas mapagkakatiwalaan ang datos ng Kantar Media na batay sa 2,609 na kabahayan sa parehong urban at rural areas sa bansa. Mas marami at eksakto kaysa sa service provider ng ibang networks, ang AGB Nielsen, na mayroong 1,980 kabahayan na nakabase lamang sa mga urban area. Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga kabahayang may telebisyon sa Pilipinas, habang umano’y 57% lamang ang kinakatawan ng AGB Nielsen dahil hindi kasama ang rural areas sa datos nito.
Higit na mas marami ring mga urban at rural na tahanan ang sumubaybay sa mga programa ng ABS-CBN sa primetime (6PM-12MN). Umakyat pa ng dalawang puntos papuntang 51% ang national audience share ng nasabing time block noong Nobyembre mula sa 49% sa nakaraang buwan. Bumaba naman ang GMA sa 31% mula 34% noong Oktubre. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Pinalakas ang Primetime Bida ng ABS-CBN ng mga de-kalibreng teleserye nito, kabilang ang katatapos lamang na “Pure Love” at “Hawak Kamay,” at mga bagong inaabangang “Bagito” at “Dream Dad.”
Kumapit ang mga Kapamilya sa pagtatapos ng “Pure Love” noong Nobyembre 14 sa national TV rating na 29.2%, na siya ring pinakamataas na rating na nakuha ng programa simula nang mag-umpisa ito. Ang katapat naman nitong “Coffee Prince” ay may 11.2% lang sa nasabing araw. Inabangan din ang pagtatapos ng “Hawak Kamay” noong Nobyembre 21 at pumalo sa national TV rating na 33.5%, habang ang karibal nitong “More Than Words” ay nakapagtala ng 16.4%.
Agad na tinangkilik ang “Bagito” noong Nobyembre 17 matapos itong makakuha ng national TV rating na 27.2%, kumpara sa kalabang “Coffee Prince” na may 11.3%. Panalo rin ang “Dream Dad” sa kanyang timeslot sa pilot episode nito noong Nobyembre 24 na nakakuha ng national TV rating na 29%, o doble sa nakuhang 15.5% ng “More Than Words” sa GMA. Ang “Dream Dad” din ang numero uno sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Nobyembre sa average national TV rating nitong 30.1%.
Sa kabuuan, 14 sa top 15 na programa ay mula sa ABS-CBN. Ang iba pang Kapamilya shows sa listahan ay ang “The Voice of the Philippines” (30%), “Maalaala Mo Kaya” (29.6%), “Forevermore” (28.7%), “Hawak Kamay” (28.4%), “TV Patrol” (28.3%), “Pure Love” (26.6%), “Bagito” (26.5%), “Rated K” (25.7%), “Wansapanataym” (25.2%), “Home Sweetie Home” (24.5%), “ Mga Kwento Ni Marc Logan” (22.3%), “Two Wives” (22%), at “Goin’ Bulilit” (21.2%).
Matagumpay naman ang pamamaalam ng longest running daytime TV series sa bansa na “Be Careful With My Heart” noong Nobyembre 28 dahil sa national TV rating nito na 19.6%, o labing isang puntos na mas mataas sa nakuha ng “The Ryzza Mae Show” ng GMA na 8.5%.
Nagtala ang morning block (6AM-12NN) ng ABS-CBN ng average national audience share na 38%, habang may 34% ang GMA. Pumalo naman sa 41% ang average national audience share nito sa late afternoon block (3PM-6PM) kumpara sa 37% ang GMA.
May 26 na TV networks, ad agencies, at pan-regional TV networks ang kasalukuyang naka-subscribe sa ratings services ng Kantar Media na kilala sa buong mundo bilang isang kumpanyang sumusukat at nananaliksik ng mga manonood ng telebisyon. Kabilang sa subscribers nito ang ABS-CBN, NBN, Sky Cable, J. Romero and Associates, 720ConsumerConnect, Starcom, OMD, PhD, Mediacom, Mindshare, MEC, Maxus, Universal McCann, Wellmade Manufacturing Corporation, Brand Ideas, and MPG Havas. Naka-subscribe rin sa kanila ang pan-regional networks tulad ng CSM Media Inc., Fox International Channels, Star HK, Discovery, AXN, HBO, MTV, Sony Pictures Television International, Celestial Tiger, and A&E Television Network. Sa nasabing mga ahensya at kumpanya, naka-subscribe sa parehong urban at rural TV audience measurement surveys ang ABS-CBN, Brand Ideas, MPG Havas, at 720ConsumerConnect.


No comments