Loading...

Breaking News

Derek Ramsay, nanguna sa pagpapasaya ng Kapatid Network sa Leyte!

Bumisita ang Kapatid actor at Amazing Race Philippines host/race master na si Derek Ramsay sa mga lugar na nasalanta ng bagyo sa Eastern Visayas isang taon matapos ang paghagupit ng super typhoon Yolanda.

Sa panayam ng InterAksyon.com, ikinuwento ni Derek Ramsay kung paano siya napahanga sa katatagan ng ating mga kapatid at kung paano silang unti-unting bumabangon. Malinaw na marami pa rin ang dapat gawin para makabangon ang mga taga-Leyte ngunit unti-unti nang bumubuti ang kanilang kalagayan sa tulong na rin ng iba pang mga kababayan.

“Nakita nila ako at nakangiti sila. Pagkakita pa lang nila sa akin, talagang parang maagang dumating ang Pasko sa kanila,” kwento ni Derek.


Kasama ang mga Kapatid stars na sina Akihiro Blanco, Nicole Estrada at Empoy Marquez, nanguna si Derek sa pagpapasaya sa mga taga-Leyte sa pamamagitan ng isang espesyal na programang hatid ng TV5.

Nagpamigay din ang mga Kapatid stars ng 300 rice buckets mula sa Alagang Kapatid Foundation, PLDT-Smart Foundation, One Meralco Foundation at Philex Mining. Si Derek din mismo ang nanguna sa pamamahagi ng mga school kits para sa mga grade school students sa Pawing at Candahug Elementary Schools. Samantala, namahagi rin ang Alagang Kapatid ng mga pedicabs, mga barbeque at burger stands, at ilang mga baboy sa mga residente ng Palo, Leyte bilang bahagi ng livelihood rehabilitation program ng foundation.

Aminado si Derek na nagbigay aral sa kanya ang nasabing pagbisita sa Leyte. “Bakit ko pa prinoproblema ang mga problema sa buhay ko na napakaliit?” ani Derek, sabay sa paghikayat sa kaniyang mga kapwa artista na magbigay ng panahon sa mga kapatid na nasalanta ng trahedya.

“Sana gawin natin ang makakaya natin to make sure na hindi makalimutan ng lahat ang mga kakababayan nating nasalanta ng Yolanda. They still need our help,” panawagan ng actor.

No comments