Loading...

Breaking News

News5 Anchor Lourd De Veyra, pinarangalan bilang ‘Best Culture-Based Documentation Host’

Kamakailan ay muli na namang nag-uwi ng tagumpay ang News5 host at sikat na multimedia personality na si Lourd de Veyra matapos siyang tumanggap ng parangal bilang Best Culture-Based Documentation Hostmula sa National Commission for Culture and Arts (NCCA).

Kinilala at pinarangalan ng NCCA si Lourd dahil sa kanyang patuloy na epektibong kontribusyon sa pagbibigay-alam at halaga sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng dalawa niyang programa sa TV5 — ang “History with Lourd” (kada Miyerkules ng 10:30PM) at “Word of the Lourd” (kada Biyernes tuwing “Aksyon sa Umaga”).

Ang dalawang programang ito ng Kapatid Network ay patuloy na humahakot ng parangal at tinututukan ng mga manonood dahil sa kakaibang handog nitong saya at kaalaman. Gaya ng tagline nitong “Tsismis noon, Kasaysayan ngayon”, tinatalakay ng programang “History with Lourd” ang mga kontrobersyal na usapin sa kasaysayan ng bansa — mga history lessons na kailanman ay hindi itinuro sa mga eskwelahan. Samantala, sa “Word of the Lourd” naman, tampok ang mga nakakatuwang komentaryo ni Lourd patungkol sa mga iba’t-ibang mahahalagang balita at politikal na isyu sa Pilipinas, na patok na patok lalo na sa mga netizens.

Hindi mapagkakailang ituring na isang malaking tagumpay ang taong 2014 para kay Lourd matapos ding maiuwi ng programang “History with Lourd” ang parangal na Outstanding Achievement in Broadcast Media (Television) sa Hildegarde Awards.

Sa taong ito rin ginawaran si Lourd ng Adamson Media Award, kung saan natalo niya ang iba pang bigating media practitioners sa bansa para maging pang-apat pa lamang na personalidad na nagkamit ng parangal na ito.

Mapapanood rin si Lourd bilang isa sa mga main host ng morning news program ng TV5, ang “Aksyon sa Umaga” (Lunes hanggang Biyernes ng 5:00AM), pati na rin bilang weather man ng primetime newscast na “Aksyon” (Lunes hanggang Biyernes ng 6:15PM).

No comments