Loading...

Breaking News

TRENDING: Kaya ayaw tumira ni Rody Duterte sa Palasyo, Multo naispatan sa Malacañang!

Mula noong kampanya para sa Eleksyon 2016, nakilala na si President-elect at incumbent Davao City mayor Rodrigo Duterte bilang isang pinunong halos walang kinatatakutan, lalo na pagdating sa pagsugpo sa kriminalidad.

Gayunpaman, inamin niya sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes na takot sa multo ang dahilan kung bakit mas gugustuhin niya umanong umuwi sa Davao araw-araw kaysa manirahan sa Malacañang.

Kuwento ni Duterte, minsan raw niyang nakausap si Ilocos Norte governor Imee Marcos tungkol sa mga kababalaghang nangyayari sa Palasyo.

“Hindi ako makakapag-adjust nang ganoon na lamang dahil may prejudice na ako sa Malacañang. Tanungin mo si Imee, talagang may multo diyan. Ilan ang nakita niya—lima?” aniya.


Hindi man malinaw sa karamihan kung nagbibiro lamang ang panibagong Pangulo ng bansa, ilang larawan ang tila nagpapatunay na mayroon ngang mga espiritung namamalagi sa Malacañang, kung saan madalas naninirahan ang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas.

Sa mismong website ng Palasyo, tinalakay ang ilan sa mga kababalaghan doon, kabilang na ang “supernatural sights and sounds,” “the crouching children and phantom flowers of Mabini Hall,” ang kapreng si Mr. Brown, at maging ang presidential ghosts.

Ayon sa hardinero ng Malacañang na si Armand Desilos, mayroon raw talagang nagpaparamdam sa Palasyo.

Kuwento niya, “Nakakita ako, may bangkong de gulong. Parang tinulak lang. Para bang nasa opisina at naglalaro lang.”


Sa kabila ng mga kuwentong ito, naniniwala si dating pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada na nagbibiro lamang si Duterte, dahil siya raw mismo ay walang naranasang ghost encounter sa Malacañang.

Kung itutuloy ni Duterte ang kaniyang balak na umuwi sa Davao araw-araw, magiging kaiba siya sa karamihan ng mga naging pangulo ng bansa.

Dalawang taon nanirahan sa Premiere Guest House ng Palasyo si Estrada bilang pangulo, habang sa Arlegui Mansion naman sa Malacañang Compound tumira si Cory Aquino at Fidel Ramos.

Sina Gloria Macapagal-Arroyo at Ferdinand Marcos naman ay sa mismong Palasyo tumira, habang napili naman ni outgoing President Benigno Aquino III ang Bahay Pangarap sa loob ng PSG Compound bilang ang kaniyang tahanan sa loob ng anim na taong panunungkulan.


Written by: Bianca Rose Dabu 

For more Kakulay Updates FOLLOW or LIKE  Kakulay Entertainment Blog  on  Facebook  and  Twitter and ADVERTISE with us email at ilovekakulay@gmail.com

No comments